LOHIKA ng WWII

“Sugat ng Digmaan”
Mary Louise R. Ponce

Nang maganap ang ikalawang digmaang-pandaigdig
Waring ang sanlibutan nabulabog at nayanig.
Di malaman saan sisilong o saan papanig
Walang mapuntahan, takot ang nananaig.

Sino nga ba ang nanalo sa digmaan?
Mayroon nga ba o lahat ay talunan
Ano bang napala at sa atin ay iniwan?
Pighati at dusa, wasak na kapaligiran

Sa magkakalabang mga bansa, pareho lamang ang naidulot
Sakit sa kalooban, namuong mga poot.
Nasirang mga buhay, mga pangarap na naudlot
Dala ng karahasang hanggang buto’y nanunuot.

Sa modernong panahon maaaring iba na ang anyo
Subalit ang digmaan pasimpleng nagtatago
Tila naghihintay lamang ng oras at tiyempo
Muling sumiklab, maghasik ng dilubyo.

Sa karanasang ito nawa tayo’y may natutunan
Na ang digmaan walang buting maidudulot kailanman
Sa huli kapag mabuting sinuri at pinag-aralan
Mapagtatantong lahat ay nawawalan

PALIWANAG

Ang tulang mababasa sa itaas ay tungkol sa pangyayari ng ikalawang digmaang pandaigdigang noong Setyembre 1939 hanggang Setyembre 1945. Sa tulang ito tinatalakay kung ano ang epekto ng nangyaring digmaan sa kahit sino mang tao, kahit sino mang lahi mapa Aleman, Amerikano, o Hapon man. Bukod pa rito ay tinatalakay ang lohika ng nangyaring digmaan sapagkat ang pangyayaring ito ay hindi naman nakakatulong sa paghubog ng relasyon sa kapwa tao.

Ang tulang ito ay ginawa ni Mary Louise R. Ponce na kung saan ay nasa pang-anim na baitang pa lamang ng naisulat niya ang tulang ito. Nang matagpuan ko ang tulang ito matapos ng ilang beses na pananaliksik sa internet, ako’y nabighani sa dahilan na nakagawa ang isang batang ito ng isang tula tungkol sa WWII kahit na hindi naman talaga halos binibigyan ng importansya ang mga paksang ito sa nag-momodernong panahon at sa mga bagong henerasyon ng kabataan kung kaya ay akin itong napili dahil sa aking pagkamangha sa gawa na ito.

Papaanuman, ang tulang ito ay may kalamangan at kasahulan. Una, ay ang pagka-simple ng pagsulat ng tula tungkol sa ikalawang digmaang pandaigdig at hindi gaano gumagamit ang may-akda ng mga malalalim ng salita o mga talinghaga upang ilarawan at italakay ang mga nangyari sa nangyaring labanan sa pagitan ng iba’t ibang bansa. Dahil din doon ay hindi masyado nabuo ang aking emosyon nang ako’y nagbabasa kung kaya ay nakulangan ako sa kanyang sinulat. Datapwat mabuti naman ang pagka ayos ng kanyang mgfa ideya tungkol sa nasabing paksa mula sa pagpapakilala sa WWII hanggang sa pagtapos ng isang lohikal na konklusyon.

Sa pagkaintindi ko sa tulang ito ay tinatalakay ng may-akda ang lohika sa likuran ng nasabing digmaan. Nakasaad sa tulang ito na wala talagang naibubungang mabuti ang paglalaban sa iba lalo na’t sa pagitan ng mga bansa sapagkat lahat ay nasasaktan, lahat ay nasusugatan sa aksyong hindi naman dapat tinutularan. Napag-usapan rin sa tulang ito ang pagkaka-moderno ng mundo na tumutukoy sa pagbabagong hindi naman talaga nagbago sapagkat ito’y nakatago lamang at naghihintay na sumabog kagaya ng posibilidad ng isa pang digmaang pandaigdig sa kadahilanan na hindi na nagiging responsable ang mga tao at hindi na rin nila binibigyan ng importansya ang mga bagay na dapat sila’y nakatuon at dahil diyan ay ang tula ring ito ay isang kamalayan o kaya ay nananawagan na gisingin na ang lahat ng tao sa katotohanan at lohikal na mga paraan upang tayo ay magkakaroon ng pagkaisa, kaunlaran, at kapayapaan sa isa’t isa.

Ipinapahiwatig ng tulang ito na kahit tayo’y nasa murang edad pa ay pwede na tayong makatulong sa pagpapaunlad ng ating mundo sa pamamagitan ng pagbibigay ng ating opinyon o mga ideya sa iba at sa pamamagitan rin ng masusing pag-aaral sa gagawing aksyon o mga posibleng paraan upang tayo bilang bansa at bilang mundo ay hindi na mawalan ng mahahalagang bagay sa ating buhay.

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started